Dear Sir:

Isang panibagong peace corridor ang binuksan ng gobyerno upang bigyang solusyon ang nag-uumpisa ng krisis ng Marawi sa pagkain. Pahayag ni Irene Santiago, chairperson ng Implementing Panel for the Bangsamoro, ang 73-kilometrong peace corridor sa Malabang at Marawi ay magiging daan para sa pagpasok ng supply ng medisina at pagkain.

Sa pagbubukas ng nasabing peace corridor sana’y huwag namang maglabas ang ating mga mamamahayag ng mga litratong nakaka-low morale.

Kami, bilang mga kamag-anak ng mga taga-Marawi ay lubhang nababahala sa mga inilalabas ng media na maaaring makadagdag problema at alalahanin sa mga kaanak naming naiipit sa lugar.

Maging sensitibo sana ang media at hindi lahat ay ilalabas dahil minsan hindi na nakakatulong.

Marami kaming mga kamag-anak na naniniwala ng sobrang pagkawasak ang naidulot ng giyera sa Marawi dahil sa airstrike.

Ngunit dahil batid naming para sa kapa­yapaan at kaligtasan ng lahat ang ginagawa ng militar, nananawagan kami sa media na ilugar ang pagbabalita.

Romel Gablan
Quezon City

Dear Sir:

Kuwestyunable kung tunay ngang mga Muslim o may alam sa Islam ang mga miyembro ng Maute Group.

Nabanggit sa sampung Islamic Rules of War na huwag pumatay ng bata, kababaihan, matatanda at may sakit, subalit ano itong ginawang pagpatay ng Maute sniper sa isang lola na balak iligtas ng militar?

Kabilang sa nabanggit na huwag sumira ng mga bayan o nayon ngunit sila rin mismo ang sumisira sa bayan ng ating mga kapatid na Muslim.

Planado ang lahat ng kanilang galaw, wala silang pakialam na madadawit ang kanilang relihiyon at pagmumulan ito ng diskriminasyon para sa mga tunay na Muslim.

Jamaica Rey
Compostela Valley