Pandemya `wag ChaCha atupagin

Mas dapat pagtuunan ng gobyerno kung paano tutugunan ang pinsalang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa ekonomiya sa halip na atupagin ang pagsusulong ng Charter Change (ChaCha).

Ito ang sinabi ni Senador Francis Pangilinan kasunod ng ulat na may pagkilos ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na mangalap ng dalawang milyong lagda sa loob ng dalawang buwan para suportahan ang pag-amiyenda sa Konstitusyon.

“Hirap na tayong hanapin kung saan kukunin ang pondo para masolusyunan ang napakalaking pinsalang dulot ng pandemya sa ating ekonomiya,” sabi ni Pangilinan sa isang pahayag nito.

“Ang dapat nating tinutukan ngayon ay ang pagtugon sa epekto ng pandemya sa kalusugan ng ating mga kababayan at sa kalusugan ng ating ekonomiya,” ayon sa senador.

Sa halip na gamitin ang kaban ng bayan at mga kawani ng gobyerno sa pangongolekta ng milyun-milyong pirma, sinabi ni Pangilinan na dapat tutukan ng DILG ang mass testing at contact tracing sa COVID-19.

Hanggang ngayon aniya’y hindi pa ito lubusang naisasagawa dalawang buwan na ang nakalipas matapos maipasa ang batas na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers para magamit ang bilyun-bilyong pisong pondo ng gobyerno upang matugunan ang pandemya.

“Pinakahuli sa isip natin ang Charter Change ngayon. Itong ginagawa nila ay lutang sa kasalukuyang katotohanan at insulto sa milyun-milyon nating mga kababayang nawalan ng trabaho, na nakararanas ng napakalubhang gutom, at patuloy na pinagbabantaan ng pagkakalat nitong sakit na walang lunas,” sabi pa ni Pangilinan.

Kinastigo rin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tanggapan ni DILG Secretary Año dahil sa pagsusulong ng ChaCha sa gitna ng COVID-19 pandemic na aniya’y isang pagsasayang ng oras at pera.

“Habang ang mga Pilipino ay wala ng makain at nawalan ng trabaho, isusubo natin itong ChaCha?” pahayag ni Drilon.

“We are in the middle of a pandemic. The country is grappling to contain COVID-19 and deal with its aftermath. To talk about Cha-cha is the height of insensitivity,” dagdag pa nito.

Nagbabala si Drilon sa DILG na huwag gamitin ang aktibidad para ng COVID-19 upang i-promote ang ChaChaha at isulong ang kanilang agenda.

“It will only create distraction, division and unnecessary noise,” ani Drilon.

“The Congress and the executive branch should work together to pursue legislation that will help revive the economy and restore the jobs temporarily and permanently lost due to the pandemic. That should be the focus, not Cha-cha,” diin nito.

Mas mainam aniyang tugonan ng pamahalaan ang krisis na magbibigay daan sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Binanggit ni Drilon ang malaking budget deficit, inflation, kawalan ng trabaho at tumaas na antas ng kahirapan na siyang mahahalagang problema na dapat pagtuunan ng pansin ng ehekutibo at ng Kongreso.

“Hindi ko po maintindihan kung paanong ang usapin sa ChaCha ay makakatulong sa ating ekonomiya at makakapagbigay ng trabaho sa ating mga kababayan,”ayon kay Drilon.

“Our resources are depleting and the President said so. We have a long battle ahead with regard to dealing with this pandemic. All agencies should exercise prudence and wise judgment in the use of public funds, most especially in this most trying time in our history as a nation,” saad pa nito. (Dindo Matining)