Panelo tinabla si Colmenares sa debate

Hindi pinatulan ni Presidential Spokesperson Salvador Pa­nelo ang hamon na debate ni senatorial candidate Neri Colmenares dahil marami pa umano siyang mas mainam na bagay na gagawin kaysa makipag-debate sa huli.

Nag-ugat ang paghahamon ng debate ni Colmenares sa komento ni Panelo na gusto lamang ng sena­torial bet ng media mileage nang ungkatin nito ang isyu kaugnay sa mga loan agreement ng Pilipinas sa China.

Sinabi pa ni Panelo na ginagamit lamang ni Colmenares ang isyu para palakasin ang kanyang kandidatura sa pagka-senador.

Sinabi pa ni Panelo na ang paghahamon ng debate sa publiko sa mga opisyal ng gobyerno ay nakakaakit sa atensiyon ng media.

Kung hindi umano nasisiyahan si Colmenares sa tugon ng gobyerno sa China loan agreement para sa Chico River Pump Irrigation Project ay malaya itong dumulog sa korte.

Ang naturang kasunduan ay pinag-aralan at inaprubahan aniya ng Interagency Committee na kinabibila­ngan ng Department of Justice, Department of Finance at ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ayon sa ulat ng Department of Finance, ang China ang nagkaloob ng listahan ng tatlong contractor na may good standing at ang implementing agency ay binigyan ng oportunidad na magkaroon ng kapalit kung kinakailangan.

Una nang inakusa­han ni Colmenares na ibinenta na ng gobyerno ang Pilipinas sa China dahil sa $3.6 bil­yong proyekto.