Tuluyang nalagutan ng hininga ang isang 58-anyos na preso matapos makaranas ng hirap sa paghinga habang nakakulong sa Bacoor City, Cavite.

Ang bilanggo ay pang-anim na sa bilang ng mga namamatay sa taon kasalukuyan.

Sa ulat ni Corporal Christian Jovita ng Bacoor City Police Station, dakong alas-5:30 Huwebes ng hapon nang makaramdam ng hirap sa paghinga si Oscar Bolias, binata, ng Panay Gawaran Digman, Bacoor City, Cavite habang nasa loob ng kulungan.

Agad na isinugod si Bolias sa Las Pinas District Hospital subalit dakong alas-2:45 kahapon ng madaling araw nang ideklara itong patay.

Sasailalaim ang biktima ng swabbing test para sa COVID 19 bilang Standard Operation Procedure (SOP) ng ospital.

Inareso at nakulong si Bolias noong April 17, 2020 sa kasong Frustrated Murder at paglabag sa RA 10591.

Pang-anim na ito sa bilang ng mga naitalang namatay na preso sa Cavite Custodial Center. (Gene Adsuara)