Tama lamang at napapanahon ang Anti-Distracted Driving Act o ADDA, pero pinalalabo ng ilang probisyon nito na sa tingin ko ay hindi praktikal. Sa halip na maipatupad nang mabisa, nauuwi lamang sa kalituhan.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), suportado nila ang anumang panukala na ang layunin ay maging mas ligtas ang ating mga commuters at motorists.
Primarily ay upang ipagbawal ang paggamit ng cellphone, pagtawag o pag-text habang nagda-drive, o kaya naman ang paggamit ng anumang gadget na makaka-distract sa pagmamaneho.
Pero malinaw na ang coverage ng batas ay mga gadgets lang. Kaya marami ang nag-react kung bakit pati ang paglalagay ng “rosaryo” sa harapan ng sasakyan o anumang bagay sa ibabaw ng dashboard ay pinagbabawal na rin.
Ang tanong ngayon ay kung may basehan ba ito sa batas? “Bagama’t masasabi na mga ‘distractions’ ang mga ito, hindi naman ito mga gadget tulad ng cellphones o headphones at hindi nakapaloob sa batas,” ayon pa kay Inton.
Kung ang kautusan ay ibinatay sa Joint Administrative Order (JAO) ng LTO, LTFRB at DOTC noong panahon ni President Noynoy Aquino, ay wala naman sa JAO ang nagsasabi na bawal ang mga bagay tulad ng rosaryo.
Kung tutuusin, marami talagang nakaka-distract sa pagmamaneho at nakasanayan na ito ng maraming motorista. Dahil sa usaping ito, kung anu-anong ideya na ang lumabas tulad na lang daw sa jeep na inaabot ang pasahe sa driver at nagsusukli ang driver habang nagda-drive, pero may batas ba tayo na nagsasabing bawal ang ginagawa ng jeepney driver?
Ang paglalagay ng iba’t ibang signboard sa windshield ng pampasaherong jeep ay isa sa nakikita nating sapat na batayan para maharangan ang paningin ng tsuper. Tamang ipagbawal talaga ‘yan.
Isa pa, ‘yung mga jeepney driver na hindi nabubukas ng headlight sa gabi. Sa hindi natin malamang dahilan kung bakit? Prone sa aksidente ‘yan, dahil hindi sila agad napapansin ng kasalubong na sasakyan at ng tumatawid na pedestrian.
Gayundin, dapat muna maging malinaw sa mga traffic law enforcers ang lahat para maiwasan ang gulo at mas matinding kalituhan at debate sa kalye.
Ang mungkahi ng LCSP ay mag-all-out dry-run ng implementasyon ng ADDA at aralin kung meron pang ibang dapat ipagbawal. Kung may kulang sa batas dapat amyendahan ng Kongreso bago maaprubahan ng Pangulo para maging malinaw ang pagpapatupad nito.
Huwag din sanang maging ‘gatasan’ ang batas na ito ng mga ‘kotongerong’ traffic enforcer.