Sinang-ayunan ng Malacañang ang posisyon ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi na kailangan pang rebyuhin ang ilang dekada nang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na panghahawakan ng gobyerno ang naging posisyon ng Amerika na susuportahan nila ang Pilipinas sakaling atakihin ang mga barko ng bansa.
Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na naglabas ng policy statement ang Estados Unidos sa pamamagitan ni US Secretary of State Mike Pompeo na nasa likod lamang sila sakaling may umatake sa Pilipinas, partikular sa mga sasakyang pandagat.
“This is the first time that the US made a policy statement, that any assault/attack on any Philippine vessel would be… would trigger the application of the Mutual Defense Treaty. You will remember that when the President assumed office and he met with the Ambassador from US then, when he was asked, he could not give a categorical answer. In fact he was saying, ‘If our forces are attacked, then we will respond.’” ani Panelo.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na hindi na kailangan pang rebyuhin ang tratado, maliban na lamang kung may mga hakbang na kokontra sa binitiwang pahayag ni Pompeo.
“Eh since that is the policy of the US, so there is no need… as of now. Unless there are movements that will dispute or that will contradict what the US Secretary of State said,” dagdag pa ni Panelo.
Matatandaang unang inilutang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pag-review sa Mutual Defense Treaty dahil matagal na ito at hindi na naaangkop sa kasalukuyang panahon.
Ang tratado ay pinirmahan ng mga kinatawan ng Pilipinas at Amerika noong Agosto 30, 1951.