Sa lahat ng kontrobersyang bumabalot sa pang-araw-araw nating buhay, napapanahong pagtuunan naman natin ng pansin ang ating kalikasan.

Sa bansang tulad ng sa atin, hindi binibigyan ng malaking oras ang usapin ng kalikasan kahit nga sa social media.

May mangilan-ngilang maglalagay ng link ng mga isyu ng kalikasan, pero ito naman ay natatabunan ng pulitika, krimen, sports, ekonomiya, at pelikula.

Nakakalungkot dahil nabibigyan lamang ng mas malaking pansin ang usapin ng kalikasan kapag nasa ilalim na tayo ng kalamidad pangkalikasan, at napa­kalalaki ng mga kalamidad na ito.

Ngayong panahon na naman ng tag-ulan ay asahan na nating mabibigyang-pansin na naman ang kaliwa’t kanang paglubog ng ilang mga lugar ang pagkasira ng pananim at epekto nito sa ating agrikultura.

Ang labis na nakakabahala ay ang sinasabing La Niña na kasunod ng dinanas nating El Niño.

Kabaligtaran kasi ng El Niño ang epekto ng La Niña­ na magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa atin. At sa bansang tulad natin, alam na alam natin ang epekto­ ng malakas na pag-ulan: baha, kalamidad, mahirap ding makabuhay ng pananim sa sektor ng agraryo. Apektado ang supply ng pagkain.

Ang mga ganitong kaganapan ay napapansin lamang ng marami sa atin kapag mayroon na lamang “pinaka” sa mangyayaring phenomenon.

Pero ang katotohanan ay hindi napapansin, na naka­salalay ang buhay natin, at ang kinabukasan natin, sa kung ano ang kalagayan ng kalikasan. Hindi lamang pulitika, ekonomiya, sports, sining, at marami­ pang usaping hindi pangkalikasan. Ang totoo, lahat ng ito ay nakasalalay sa itatakbo ng kalikasan na dapat ay pagnilayan ng lahat.

Lahat tayo ay may ambag — gaano man ito kaliit — sa kung ano ang kalikasan ngayon at kung ano ito sa kinabukasan. Ang mga mauunlad na bansa ay may mabigat nang pagkilala, walang saysay ang kanilang kaunlaran kung hindi mapangangalagaan ang mundo.

Walang saysay ang lahat ng nangyayari sa atin kung walang mangangalaga sa kalikasan natin, kung hindi tayo mismo ang mangangalaga nito.

Kaya huwag nating iasa sa pamahalaan lamang ang gawaing mangalaga sa ating kalikasan, matuto tayong makibahagi, gawin ang ating kontribusyon bilang mabuting mamamayan.

***

Napakalaking bilang ng mga Pinoy ang nagkatrabaho sa nakalipas na administrasyon, batay ito sa resulta ng mga nagdaang mga survey.

Pero kaakibat ng magandang record ay magandang matukoy din kung anong sektor o industriya ang nakapagbigay ng maraming trabaho, kung sa Business Process Outsourcing industry ba, sa agrikultura o manufacturing o kung sa turismo?

Sakaling matukoy kung saang sektor ang naka­pag-ambag ng maraming manggagawa, natural na matutukoy din kung aling industriya ang manganga­ilangan ng dagdag na bisig. Dito na papasok ang ugnayan halimbawa ng mga kolehiyo at unibersidad pati na ang mga vocational schools sa bansa upang maka­tulong na mabawasan pang lalo ang bilang ng mga walang trabaho nating kababayan.

Kinailangang alamin ang dahilan kung bakit may kakulangan sa industriyang matutukoy sa kabila ng malaking bilang na mga nagkatrabaho. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)