Pangarap na ginto natupad ng Mangyan

‘Di ipinagkakaila ni Mervin Guarte ang kanyang pinagmulan na katutubong tribu bilang isang Mangyan na siya niyang inspirasyon at sinandigan­ tungo sa pagwawagi ng medalyang ginto bilang miyembro ng Obstacle Course Racing sa PH 30th Southeast Asian Games 2019 sa Filinvest, Alabang, Muntinlupa City.

Dating pambato ng bansa sa middle distance ng athletics, nakamit ng 27-anyos ang pinakamimit­hing tagumpay sa 11-bansa, 12-araw na kada dalawang taong paligsahan sa pagposte ng bilis na 25 minuto at 31 segundo sa OCR – Men’s Individual 5K X 20 Obstacle.

“Masayang-masaya po ako dahil napatunayan ko na kaya ko magbigay ng gold sa bansa,” ani Guarte, 27, at 7-time SEA Games silver medalist sa middle distance run at steeplechase bago lumipat sa mas mahirap at mas mapanghamong sport na ito.

“Kakaiba po ang samahan talaga namin dito sa asosasyon ng OCR at para talaga kaming isang pamilya. Malaki po ang naitulong noon sa akin dahil mas bumalik ang kumpiyansa ko at lalo akong nagkaroon ng inspirasyon na manalo para sa pamilya ko,” hirit ng miyembro ng Air Force.

Kinumpleto ni Sherwin Managil ang 1-2 finish para sa Pilipinas sa paghablot sa pilak sa kanyang 26:16 oras.

Tumapos din ng gold-silver ang bansa sa pangu­nguna ni Sandi Menchi Abahan para mawalis ng PH bets ang anim na ginto sa tagumpay sa women’s side sa 33:30 clocking sa parehas na distansiya. Ikalawa si Merisco Glorien sa 40:00 (Lito Oredo)