Pangasinan may pinakamataas na kaso ng COVID sa Region 1

May pinakamataas na kaso ng coronavirus disease-19 (COVID-19) ang lalawigan ng Pangasinan sa buong Region 1, ayon Department of Health-Region 1 (DOH-R1).

Ayon sa DOH-R1 officer 4 Dr. Rhuel Bobis, ang lalawigan ng Pangasinan ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 kung saan pumalo ito sa bilang na 30; 14 sa La Union; 2 sa Ilocos Norte at 1 sa Ilocos Sur.

Dahil dito, umakyat na sa kabuuang bilang na 47 ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Region 1 batay na din sa datos na hawak ng DOH noong Lunes.

Mayroon ding naitala na pitong bagong recovered patient na kung susumahin, nasa 12 na ang mga pasyenteng may COVID-19 ang gumaling .

Sinabi ni Bobis, kung pag- uusapan naman ang bilang ng mga Patient Under Investigation (PUI) sa Region 1, sa kanilang datos mula Enero 30 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa bilang na 1,066 kung saan karamihan dito ay naka- admit at naghihintay ng resulta sa kanilang mga test.

Ayon pa sa opisyal, nagkaroon na din ng 730 na katao na na-test at karamihan dito ay nag negatibo sa naturang sakit.

Bagamat naka-isang buwan na ang enhanced community quarantine, ramdam pa din ang pagtaas ng bilang ng mga naitatalang kaso kung kayat payo nito na kung maiiwasan lang na magkaroon ng exposure ang mga indibidwal na naka- isolate o naka- admit na positive case, may posibilidad na mapapababa ang kaso ng nasabing virus. (Allan Bergonia)