Isa pang 4th Class cadet ng Philippine Military Academy (PMA) na may senyales ng pagmamaltrato ang isinugod sa V. Luna Hospital noong Lunes, na ikatlong kadete na dinala sa pagamutan matapos ang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong Setyembre 18.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig General Edgard Arevalo, dinala sa V. Luna Hospital sa Quezo City ng mga opisyal ng PMA ang nasabing kadete noong Lunes matapos na makitaan ng mga pasa sa katawan.
Sinabi pa ni Arevalo na idinaing ng kadete ang pananakit ng tiyan sa kanyang unang pagpasok sa hospital na na-diagnose na gastroenteritis.
Pero sa ikalawang pagbalik nito sa ospital ay nakitaan na siya ng mga marka sa katawan na posibleng senyales ng pagmamaltrato.
Samantala, iniulat din ni Arevalo na ang unang dalawang kadete na dinala sa V. Luna Hospital dahil sa posibleng hazing ay nasa stable condition na, kung saan ang isa ay inilipat na sa St. Luke’s Hospital.
Matatandaang nauna nang ipinag-utos ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagsasailalim sa medical examination ng lahat ng mga plebo sa PMA para madetermina kung meron pang mga ibang biktima ng pisikal na pang-aabuso dahil sa hazing kasunod ng pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio nitong Setyembre 18.
Tiniyak ni Arevalo na pananagutin din ang sinumang responsable sa mga panibagong kaso ng pagmamaltrato, kasunod ng pagpapataw ng parusa sa mga kadete at opisyal ng PMA na sangkot sa kaso ni Dormitorio.
Matatandaang kahapon ay nagbitiw na sa puwesto si PMA Supt. Ronnie Evangelista at Corps of Cadet Commandant Brig. General Bartolome Vicente Bacarro dahil sa pagkamatay ni Dormitorio.
Samantala pinatalsik naman sa akademiya ang tatlong upper classman dahil sa direkta nilang partisipasyon sa ginawang pagpapahirap kay Dormitorio habang apat na kadete ang pinatawan ng 1 taong suspension, habang sinibak naman sa puwesto ang dalawang opisyal ng PMA gayundin ang dalawang doktor na sumuri kay Dormitorio bago ito mamatay. (Edwin Balasa)