Pangatlong Martial Law extension pinaaawat

Inihain ng mga kongresistang miyembro ng Magnificent 7 sa pangu­nguna ni Albay Rep. Edcel Lagman ang isang petisyon sa Supreme Court (SC) para maipawalang saysay at maideklarang unconstitutional ang pangatlong ekstensiyon ng Martial Law gayundin ang suspensiyon ng writ of habeas corpus sa buong Mindanao.

Dakong alas-3:28 nang hapon nang ihain ang 46 pahinang petisyon.

Kasama ni Lagman na naghain ng petisyon sa SC sina Akbayan Rep. Tom Villarin, Ifugao Rep. Teddy Bagui­lat Jr., Caloocan City Rep. Edgar E­rice, at Magdalo Rep. Gary Alejano na pa­wang kasapi ng Magnificent 7 opposition group gayundin ang mga mi­yembro ng Liberal Party (LP) na sina Quezon City Rep. Christopher Belmonte at Dinagat Islands Rep. Arlene ‘Kaka’ Bag-ao.

Iginiit ng mga naturang petitioner na ginawang katawa-tawa ng Resolution of Both Houses No. 16 ang 1987 Constitution bunsod ng pagpapalawig sa pagpapairal ng batas militar sa buong Mindanao.

Wala umanong sapat na basehan sa ekstensiyon ng Martial Law sa Mindanao.

“Rebellion does not exist and persist in Mindanao; public safety is not imperiled; another year of extension unduly prolongs the martial law regime; and Proclamation No. 216 which originally imposed martial law and suspended the writ in Min­danao has become functus officio and cannot anymore be extended,” pagpupunto ng Magnificent 7 solons.
(Aries Cano)