Panggagamot sa sakit ng tao inihabilin ng Ermitanyo

Mga ka-Misteryo isang psychic healer ang nagtapat sa #TeamMisteryo na isang ermitanyo ang nagbigay sa kanya ng abilidad para manggamot.

‘Yan ang ating paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo.”
Isang simpleng tao at dati’y tumutulong sa paggawa ng bahay sa Bulacan si Lorenzo hanggang isang araw sa kanyang paglalakad pauwi ay may napansin siyang matandang lalaki na naglalakad sa ‘di kalayuan.

Kasalubong niya ang matandang lalaki na malayo pa lang ay naaninag niyang nakangiti sa kanya at lubos na nagtaka si Lorenzo.

Kaya nu’ng magkasalubong na sila binati siya ng matanda at ang tagpong ito ay inusisang mabuti ng #TeamMisteryo.

Team Misteryo: “Anong nangyari nang magkasalubong kayo? Anong hitsura niya?”

Lorenzo: “Nakangiti siya at ang liwanag ng mukha niya, balbas saradong abuhin ang kulay at nakaputing damit na may mahabang manggas terno ng pantalon pero madumi marahil sa matagal niyang paglalakad.”

Team Misteryo: “Anong sinabi sayo ng matandang lalaki nang magkasalubong kayo?”

Lorenzo: “Sabi niya sa akin, kailangan ko daw tumulong sa kapwa at manggamot daw ako. Naging pilosopo pa nga ako nang sabihin kong hindi naman ako doktor para manggamot.”

Team Misteryo: “Baka naman nagalit siya sa sinabi mo?”

Lorenzo: “Hindi naman siya nagalit pero hinawakan niya ang mga kamay ko at may inusal na panalangin hanggang sa parang may mainit na enerhiya na dumaloy sa aking mga kamay, braso hanggang sa buong katawan.

Team Misteryo: “Pagkatapos nu’n umalis na ba siya?”

Lorenzo: “Oo pero nagbilin siya na ingatan ko daw ang mga tao hanggang sa naglakad siya palayo at hindi­ ko na napansin na nawala na siya sa ­aking paningin.”

Mula noon ay nangagamot na si Lorenzo at masidhi ang kalooban niyang tumulong sa kapwa hanggang sa mapadpad siya sa Metro Manila.

Hindi lahat ng estranghero ay masama pero lahat ng mga taong nakakasalamuha natin ay sadyang itinakda ng tadhana. Malay niyo ang taong nakita niyo ay makatutulong pala sa inyo.

***

Para sa inyong mga kuwentong karanasan,­ mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at Abante.com.ph.