Panggulat sa Bagong Taon! Mahal na gasolina, diesel, LPG

train law

Mataas na presyo ng gasolina, diesel at LPG sasalubong sa mga Pilipino ngayong 2020 kasunod ng implementasyon ng third tranche ng excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acce­leration and Inclusion (TRAIN) Law.

Nabatid na ang retail price ng unleaded gasoline ay tumaas ng P1 kada litro at P1.50 kada litro ng diesel epek­tibo Enero 1. Habang ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ay tataas rin ng P1 kada kilogram.

Nabatid na sa ilalim ng TRAIN Act, itataas sa P10 kada litro nga­yon 2020 mula sa 2019 na P9 excise sa regular at unleaded gasoline, asphalts, denatured alcohol, lubricating oils at greases, naphtha at processed gas gayundin sa waxes at petrolatum.

Ang TRAIN Law, na naging epek­tibo noong 2018 ay magtataas ng P1.50-P6 ngayon taon sa excise tax sa kada litro ng bunker and diesel fuel oil, at kada kilogram ng petroleum coke.

Habang ang excise ng LPG ay tataas ng P1-P3 kada kilogram habang ang levy sa kerosene ay tataas rin ng P1 hanggng sa P5 kada litro.

Nabatid na ang pagtaas ng oil excise rates ngayon 2020 ay magi­ging epektibo sa kabila ng mas mababang $80 presyo kada bariles threshold ng langis kung saan maari pang suspendihin ang implimentasyon ng oil hikes sa ilalim ng TRAIN Law.

Ang bagong rates ay ipatutupad lamang sa bagong supply at hindi sa dati pang stock na inorder noong 2019.

Sa mga domestic o imported coal at coke, ang excise ay tatalong ng hanggang P50-P150 kada metric ton.

Sinabi ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na hindi makakaapekto sa mga mahihirap na pamilya ang mataas na oil excise tax.

Nalaman na ang mataas na buwis sa konsumo ng langis,sugary drinks, motor vehicles at cosmetic procedure ay mahahatak naman sa ipinatupad na simplified income tax sailalim ng TRAIN, kung saan hindi na bubuwisan ang P250,000 kita ng isang empleyado. (Juliet de Loza-Cudia)