Muling inupakan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Francis ‘Kiko’ Pangi­linan dahil sa batas na inakda nito na itinakda sa 15-taon pababa ang kawalan ng pananagutan ng kabataang masasangkot o nakagawa ng krimen.

“For all I care, he can become the President of the Republic of the Philippines. Wala akong personal sa ‘yo kay kung may personal ako sa’yo, sa totoo lang, matagal na kitang sinuntok sa harap. Ayyy. Totoo, eh wala man ‘yan. Suntukin mo lang ‘yan, mag-iyak ‘yan. ­Bunutan ko pa ng baril,” ayon sa Pangulo.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa 35th Founding Anniversary ng Army Reserve Command na ginanap sa Camp Regio de Dios sa Tanza, Cavite nitong Huwebes.

Nauna rito ay tinawag ng Pangulo na pinakabobong abogado aniya si Pangilinan dahil sa inakda nitong Juvenile Justice and Welfare Act. Sa ilalim ng batas, walang pananagutan ang mga batang edad 15-anyos pababa kapag nasangkot sa krimen.

Kung mapapansin ayon sa Pangulo, maraming kabataan ngayon na mas mababa sa kinse anyos ang gumagawa ng mabigat na krimen pero hindi nakukulong dahil protektado sila ng batas na ginawa ni Pangilinan.

“That is why it got worse. Itong mga bata na ito noon, three ge­nerations ago, malaki na, naging kriminal. Wala nang takot. Wala na silang sense of ­accountability na ang kasalanan mo sa kapwa mo tao, bayaran mo,” dagdag pa ng Pangulo.