Pangmatagalang epekto ng nCoV dapat paghandaan

Bukas, Martes, sisimulan na ng Senate committee on health ang pagdinig para alamin ang kakayahan at kahandaan ng gobyerno sakaling tumagal pa ang banta ng novel coronavirus-acute respiratory di­sease (nCoV-ARD).

Dalawang Chinese national na dumating mula sa China ang nagpositibo sa nCoV. Isa rito ay napaulat nang namatay kaya bukod sa China, kasama na ngayon ang Pilipinas sa mga kaso ng may namatay dahil sa nCoV.

Isa sa mga aalamin sa pagdinig ay kung sapat ang calamity fund na inilaan sa ilalim ng 2020 national budget para sa paghahanda ng Department of Health na mapigilan ang pagkalat ng virus.

May hirit din na P30 billion supplemental budget ang Malacañang para pandagdag sa calamity fund na gagamitin hindi lamang sa paghahanda sa banta ng nCoV kundi sa epekto ng pagsabog ng Bulkang Taal sa mga taga-Region 4A.

May mga panukala na italaga si Health Secretary Francisco Duque III para maging official spokesperson on nCoV upang maiwasan ang pagkalat ng fake news kaya lalong nagpa-panic ang publiko.

Hirit naman ni Se­nate President Tito Sotto, bumuo ng inter-agency na pagmumulan lang ng mga tamang impormas­yon tungkol sa nCoV, bukod sa mga tamang detalye tungkol sa travel restriction, market condition, epekto sa ekonomiya, tourism related announcement, at mga abiso mula sa mga local government unit.

Baka makatulong kasi ang panukalang inter-agency para makinig ang ilan nating mga kababa­yan at maiwasan na mag-panic.

Noong Biyernes, nagmistulang ‘occupy Bambang’ ang peg nang dumagsa ang marami na­ting mga kababayan para bumili ng mga face mask.

Sa panahong ito, iwasan ang panic bu­ying. Apela ng mga awtoridad, hindi kaila­ngan lahat gumamit ng face mask. Ipaubaya ang N95 face mask sa mga health worker para may magamit sila dahil ang mga ito ang may direct contact sa mga may sakit.

Hindi rin kailangan mag-hoard ng mga face mask, bilhin lang ang sapat para sa pangangaila­ngan ng pamilya upang hindi makapagsamantala ang ilang madadayang negosyante na magtaas ng presyo ng naturang produkto.

Ipinag-utos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang temporary travel ban sa lahat ng mga pasahero mula sa China at sa mga special administrative region nito gaya ng Hong Kong at Macau.

Saklaw nito ang lahat ng nationality hindi lamang ang mga Chinese na bumiyahe o nagmula sa China.

Dati kasi, sa mga pasahero lang mula sa Hubei province kabilang ang Wuhan umiiral ang temporary travel ban.

Kaya naman tanong ng mga opposition senator, bakit natagalan bago ipatupad ang temporary travel ban sa buong China? Kung mas maaga kasi, baka naiwasan ang pagpasok ng napakara­ming Chinese at nabawasan ang banta ng pagpasok ng nCoV virus sa Pilipinas.

Pero sabi nga, hindi ito ang panahon ng sisihan. Dapat magtulungan para palakasin ang koordinasyon hindi lamang ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno kundi ma­ging ang mga local go­vernment unit.