Nanindigan ang Palasyo ng Malakanyang sa pamamagitan ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar na malaki na ang pinagbago sa lagay ng peace and order ng bansa partikular sa Metro Manila bunsod ng pinaigting na giyera kontra iligal na droga ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ng Palace official na siya mismo ay nakahandang samahan sa dis-oras ng gabi saan mang lugar maging sa critical areas pa sa Metro Manila ang mga kritiko na hindi naniniwala sa kampanya ng administrasyon.
Marami aniya sa mga panggabing trabahador ay hindi na nangangambang abutin ng alanganing oras sa pag-uwi.
Hindi lang aniya hanggang sa paghuli ng mga drug pusher o drug user, o pag-surrender ang ginagawang hakbang ng gobyerno kundi nariyan din ang rehabilitasyon na sa ngayon ay tinatrabaho na ating gobyerno.
Tuluy-tuloy aniya ang programa ng gobyernong Duterte at ito ay komprehensibo.
Ang pag-ayos ng peace and order sa bansa ay ramdam na rin ng marami lalo na ang pagbaba ng insidente ng street crimes kung saan kadalasang nabibiktima ay mga ordinaryong mamamayan.
Kaya naman saludo tayo sa mga awtoridad na kumikilos para protektahan ang bawat mamamayang Pilipino tungo sa unti-unti nang pagpayapa ng ating mga komunidad.
Ang sa amin lang sana ay seryoso at tuluy-tuloy na ito at hindi dahil nakatutok lamang sa usapin ng peace and order si Pangulong Rodrigo Duterte.