Isa na namang hinete ang pinatawan ng 1-taong suspension pagkatapos na repasuhin motu propio ng Philracom ang kanyang naunang 72 racing-day suspension.
Nabigyan ng 72 racing-day suspension si jockey Jerome Albert Saulog ng steward ng MJCI noong Hulyo 22 “for not taking all reasonable and permissible measures that his horse be given full opportunity to obtain the best possible placing” sa ibabaw ng kabayong Fly Like An Eagle, na nasegundo sa nanalong Et Al.
Sa motu propio hearing na pinatawag kasama si jockey Saulog noong Hulyo 31, hindi pinaniwalaan ang kanyang paliwanag na kahit kaya na niyang abutan ang nangungunang si Et Al ay inalalayan lang niya ang kanyang kabayo dahil may tendency itong bumuka at medyo naging “anxious” na ang nangungunang Et Al nang maramdaman nito na nasa likuran na sila.
Sinabi sa hearing na nakita sa video ng karera na “hindi gumagalaw si jockey Saulog o pumalo man lang kahit na nasa crucial part na ng karera at nakahawak lang ito sa kanyang renda at/o sinasaltak at ipinapakitang wala siyang intensyong manalo sa naturang karera.”
Dahil natalo nga ito nang masegundo lang, dinisesyunang nagkasala siya ng “deliberately losing the race” at binigyan ng 1-year suspension.
Si Saulog ang ikatlong hineteng pinatawan ng 1-year suspension sa loob ng nakaraang dalawang linggo. Ang unang dalawa ay sina jockeys Maximillian V. Pichay at si Dahwill D. Pagar.