Panic button ‘di pa pipindutin ni Austria

‘Di pa pipindutin ni coach Leo Austria ang panic button kahit natalo ang San Miguel Beer sa Magnolia Ang Pambansang Manok 99-95 sa opener ng PBA Philippine Cup.

“Fortunately it’s only Game 1 and it’s not a knockout series,” bulalas ni Austria sa postgame news confe­rence sa Smart Araneta Coliseum Miyerkoles ng gabi.

Magre-re-group ang Beermen para bumawi sa Game 2 mamaya sa Big Dome rin.
Pero ang Hotshots, determinado ring muling makuha ang ‘W’. Kahit underdogs, balak kabugin ng Magnolia ang four-time champions.

“Kapag nakabunot pa kami ng isa, ibang usapan na ‘to. Mag-iisip na ‘yan na kaya namin sila i-stop,” ani Hotshots big man Ian Sangalang, kumana ng 17 points.

Ang jumper ni Sangalang ang naglayo sa Hotshots 97-94 pagkatapos ng one-man attack ni June Mar Fajardo, hinarabas ang 15-straight points ng Beer para dumikit sa isa.

Sinelyuhan ng free throws ni Paul Lee sa last 17 seconds ang panalo.
Konsuwelo ng SMB, natalo sila sa two possessions lang kahit malamig ang kanilang gunners na 9 for 36 lang sa 3-ball.

“Paano kung naka-shoot lang kami ng dalawang three points?” balik ni Fajardo.

Hindi rin nakaligtas kay Austria ang effort ng Hotshots sa depensa. Nalimitahan ang Beermen sa 32 of 85 clip (37.6 percent).

“If you look at the stats, you’ll see our percentage shooting, our shot selection was not good,” anang six-time champion coach.

Tumapos pa rin si Fajardo ng dambuhalang 35 points at 21 rebounds.
Ang sniper ng SMB na si Marcio Lassiter, 0 of 8 sa field at walang naipasok sa limang tira sa labas ng arc. Sina Alex Cabagnot, Chris Ross at Terrence Romeo ay 3 for 17 combined lang sa 3s.

Wala pang dahilan para mag-panic, pero kailangan gumana ang gunners ng SMB kung ayaw nilang mabaon sa 0-2. (Vladi Eduarte)