Umalma ang Malacañang sa paninisi ng UK-based group Global Witness sa gobyerno sa pagkamatay ng 113 land at environmental defender sa ilalim ng Duterte administration.
Tinawag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang Global Witness na tagapagpakalat ng kasinungalingan at nagpapagamit para sa political propaganda.
Wala aniyang bago sa report ng Global Witness dahil ganito rin ang paulit-ulit na bintang ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“The Palace considers the Global Witness group as a purveyor of falsity and a subservient machinery for political propaganda. There is nothing new to its sham assertion which mimics the recurring chants of the usual derogators of PRRD,” ani Panelo.
Sinabi ng kalihim na recycled ang report ng mabanggit na grupo dahil nailathala na ito noong Hulyo 2019 sa editorial ng The New York Times na isa ring naninira sa Duterte administration.
Binigyang-diin ni Panelo na hindi balita ang report ng nabanggit na dayuhang grupo dahil malinaw na ang gusto lamang gawin ay siraan ang integridad ng Duterte administration.
Batay sa report ng nabanggit na dayuhang grupo, sinisi ang puwersa ng gobyerno sa pagkamatay ng umano’y mga magsasaka sa Sagay, Negros Occidental pero hindi binanggit ang mga komunista na siyang nagmamaniobra at nagdadala ng mga kasamahan para okupahin ang isang lupain sa lugar. (Aileen Taliping)