Pantalan sa Dumaguete bantay-sarado sa nCoV

Ikinalat ng Inter-agency task force on novel Coronavirus (nCoV) ng Dumaguete City ang mga nurse mula sa City Health Office at mga personnel mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDDRMO) para sa screening at check-up ng lahat ng pasahero ng barko na dadaong sa mga pantalan ng Dumaguete.

Sa inilabas na statement ni Dumaguete City Mayor Felipe Antonio Remollo, agad kinukunan ng temperature ng mga medical personnel ang mga pasahero sa pagbaba nila sa barko gamit ang isang gun type digital thermometer.

Bukod sa tinitingnan kung may lagnat ay sinusuri din nila ang mga pasahero kung may kahalintulad na sakit sa pamamagitan ng pagtingin sa lalamunan at kung nahihirapan sa paghinga dulot ng ubo.

“Those found with fever and other symptoms will be referred to the City and Epidemiology and Surveillance Unit under City Health Officer Maria Sharah Talla for further evaluation and appropriate action,” pahayag ni Remollo sa kanyang statement.(Edwin Balasa)