Ano na nga ba ang nangyari sa panukalang pagbabawal na maningil ng parking fee sa mga establisiyemento?

Kung hindi ako nagkakamali, tuwing magbubukas ang Kongreso ay may naghahaing mambabatas ng panukala hinggil dito pero nakakalungkot malaman na hanggang porma lamang ang pangyayari.

Ilang Kongreso na ang nakalilipas pero wala pa ring linaw kung magkakaroon ng katuparan ang inaasahan ng publiko na makaparada ng libre sa mga malls at iba pang establisiyemento.

Isa sa unang naghain ng panukala hinggil dito noon pang 2006 ay itong si dating Pasig City Rep. Robert ‘Dudut’ Jaworski.

Ikinakatuwiran ng ilang mambabatas na sumusuporta sa panukalang ilibre ang parking ay dapat maging libre ang pagpa-park sa mga malls at iba pang establisiyemento dahil kasama ito sa “mandatory service” ng isang establishment.

Pero naging ganun lamang ang argumento kaya hanggang ngayon ay nganga ang publiko at ang matindi pa ay walang uniform parking rate ang mga malls dahil may nanini­ngil ng mula P20 hanggang P100 sa kada unang dalawa hanggang tatlong oras, depende po iyan sa klase ng mall.

Kung medyo sosyalin ay mahal ang parking habang kung masa ang da­ting ay P20 lang ang ba­yad ng pagpaparada.

Isa pang establisiyementong hindi tayo sang-ayon sa ginawang paniningil ng parking ay ang mga funeral parlor na matatagpuan sa mga pa­ngunahing mga lugar.

Pagbungad mo sa isang funeral parlor ay may choice ka naman, puwede kang magbayad o magpalibre. Kanya nga lamang, may kaakibat na panganib kapag nagparada ka ng libre dahil sa kalsada ka pupuwesto.

Kung yayamanin ka naman at ayaw malagay sa alanganin ang iyong tsekot ay pumarada ka sa itinalagang paradahan ng funeral parlor, pero may katumbas itong bayad na mula P100 sa unang tatlong oras.

Napakamahal po, kaya ang mga nagtitipid ay nagkakasyang pumarada sa kalsada o harap ng funeral parlor na nagreresulta naman ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Kaya sana ay magkaroon na ng political will ang mga mambabatas na ipasa ang panukalang ito dahil marami itong positibong bagay na idudulot, pero iyan ay kung may malasakit sa publiko ang mga mambabatas at hindi kasapakat ng mga dambuhalang negosyante na nagpapahirap sa taumbayan.