Panukala vs politikong balimbing raratsadahin

Pagsisikapan ng Kamara na maaprubahan ang panukala na magiging pangontra sa mga politikong balimbing o palagi na lamang naglilipat-bakod at nakikiangkas sa naghaharing partido.

Ayon kay House committee on suffrage and electoral reforms Chairman at Cibac party-list Rep. Sherwin Tugna, puwedeng makaabante ang anti-turncoatism bill bago matapos ang 17th Congress pagsapit ng Hunyo ng susunod na taon.

Umaasa si Tugna na sa pagbubukas ng sesyon sa Nobyembre 12 ay maaaprubahan ng Kamara ang panukala.

“Pagbalik natin, maka-second reading at third reading. Ako sa tingin ko kaya natin ito sa Lower House. Lusot na lusot ito sa amin lalo na pet bill ito ni Speaker (Gloria) Arroyo at napakaganda tala­gang panukalang batas,” pahayag ni Tugna.

Nananalig ang kongresista na susuportahan din ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Siyempre with the blessing of the President…si President Duterte naman eh naniniwala ako na anything that is good for the country, he will sign it into law,” sabi ni Tugna.

Binanggit ng kongresista na kakausapin nito ang kanyang counterpart sa Senado na si Sen. Aqui­lino “Koko” Pimentel III na tumatayong chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation para tuluyan nang umusad ang naturang panukala.