Panukalang 2019 national budget malabo nang mapirmahan

Malabo nang mailusot pa ng Senado ang proposed 2019 national budget hanggang bago ang Christmas break ng Kongreso sa Disyembre 14.

Ayon kay Senador ­Panfilo ‘Ping’ Lacson, kahit magsagawa sila ng special session ay hindi na rin nila kakayanin pa na maipasa ang budget ­ngayong taon.

“Wala. Maski mag-special session kami ‘di pa rin kakaya­nin unless papayag na lang kaming hilaw-hilaw ang budget.
Aabutin talaga ito next year, ‘di na maiwasan ito at ‘di namin kasalanan ito,” saad ni Lacson.

Binigyang-diin ni Lacson na naantala na ang kanilang schedule lalo pa’t magkakaroon pa sila ng joint session sa Disyembre 12 para sa extension ng Martial Law.

“Behind schedule na kami. Dapat nasa Day 6 na kami… Ang adjournment namin 14 hanggang Friday kami. May joint session sa 12, ‘pag natapos balik kami sa budget deliberation pero maski Friday, ang legislative calendar kasi talagang Friday,” diin pa nito.

“So ‘di kailangang baguhin ang legislative calen­dar, sundin lang ang regular adjournment hanggang Friday. Pero ‘di namin kaya tapusin. Parang pang-Day 2 or 3 pa lang kami sa schedule,” dagdag pa ni Lacson.