Panukalang si Duterte ang mamuno sa BOC kinontra

Kinontra ni Senate­ President Vicente ‘Tito’Sotto III ang panukala na si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang dapat mamuno sa Bureau of Customs upang matapos na ang mga anomalya sa ahensya.

Sinabi ni Sotto na bagama’t magandang pakinggan ang suhes­tyon, masyado aniya itong mabigat para kay Pangulong Duterte.

“Sounds good but it will take too much of his time. Ok na si Jagger (Leonardo Guerrero),” saad ni Sotto.

Ipinaliwanag ng lider­ ng Senado na ang pamumuno sa ahensya ay mangangailangan ng mahabang oras kasabay din ng iba pang problemang dapat resolbahin ng Pangulo.

Iginiit ng senador na dapat ipaubaya ng Pa­ngulo sa bagong talagang Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang pagpapatupad ng reporma sa ahensya.

Una nang inirekomenda ni election lawyer Romulo Macalintal na si Pangulong Duterte na ang mamuno sa halip na isailalim ito sa military take-over na maituturing aniyang unconstitutional.

Kinatigan naman ni dating solicitor general Florin Hilbay ang paha­yag ni Macalintal na pag­labag sa 1987 Constitution ang military take over sa BOC.

Ayon kay Hilbay, ang balak ni Duterte ay taliwas sa tinatawag na civilian supremacy clause ng 1987 Charter at mga patakaran ng civil service.

“Duterte’s legal advisers should know this and must advise their boss not to push through with this plan,” saad ni Hilbay.