Maghahain ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang isang mambabatas para isulong ang mga importanteng panuntunan sa pagko-cover ng media sa anumang paglilitis ng mga korte sa bansa.
Nabatid kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo na kanyang gagawin ito kasunod nang pagpayag ng SC na magkaroon ng media coverage sa paghatol sa mga akusado sa Maguindanao massacre.
“To support press freedom, I will soon petition the Supreme Court for the issuance of en banc resolution or an administrative memorandum or a circular about media coverage of trials nationwide, so that community journalists can have access to the courts under reasonable rules to be issued either by the Supreme Court itself or by the Office of the Court Administrator,” ani Salo.
Sinabi pa nito na kanyang hihimukin ang komiteng pinamumunuan sa Kamara na hindi lamang para panoorin ang inaabangang hatol sa Maguindanao massacre case kundi para obserbahan din kung paano isasagawa ang media coverage na makatutulong sa kanilang paggawa ng batas hinggil dito.
“This particular court coverage is imbued with profound public information and press freedom issues. The committee must see how it is conducted and watch it in aid of legislation,” aniya. (Lorraine Gamo)