PAO-Acosta pahiya sa killer tatay

Nalagay sa kahiya-hiyang sitwasyon ang tanggapan ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Rueda-Acosta matapos arestuhin ng pulisya ang isang mister na itinurong mastermind sa pagpatay sa kanyang misis at sanggol nilang anak sa loob ng kanilang tahanan sa Sta. Rosa City, Laguna noong 2016.

Inaresto noong Biyernes ng mga tauhan ng police station sa Sta. Rosa City ang suspek na si Ricardo Sta. Ana sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng San Pablo City Regional Trial Court.

Si Sta. Ana ay una nang kinasuhan kaugnay sa pagkamatay ng kanyang mag-ina pero binasura ng Department of Justice ang kaso dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.

Muling binuksan ang kaso nang masakote ng mga awtoridad ang pangalawang hired killer na kinilalang si Bryan Avistado na katulad ng unang suspek na si Ramoncito Gallo ay itinuro rin si Sta. Ana na utak ng pagpatay sa kanyang mag-ina.

Noong unang kinasuhan si Sta. Ana dahil sa pagkamatay ng kanyang mag-ina ay ipinagtanggol ito ni Acosta na nagpahayag pa noon ng paniwalang minadali ang kaso para ituro umano si Sta. Ana bilang utak ng krimen.

Sa panayam ng ABS-CBN kay Acosta noong Marso 2016, sinabi pa nito na sila mismo ang magpapakulong kay Sta. Ana kung may matibay na kaso laban dito.
“Kami mismo ang magpapakulong kung may matibay na kaso laban kay Richard….sa kasong ito wala. Pipilitin naming na pairalin ang katotohanan,” sabi ni Acosta sa naturang panayam.

Wala pang inilalabas na pahayag ang tanggapan ni Acosta kaugnay sa pag-aresto kay Sta. Ana noong Biyernes.