Nasopla ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pamumuno ni PAO Chief Persida Acosta sa muling pagbubukas ng pagdinig ng Dengvaxia sa Kongreso.

Ayon kay Dr. Raymund Lo, kinatawan ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC), ilan sa findings ng PAO ay hindi suportado ng factual data.

Ipinakita ni Dr. Lo, isang “certified forensic pathologist” at nakagawa na umano ng halos 500 awtopsiya sa mga bata at matanda sa loob ng 30 taon, sa isang powerpoint presentation ang kahinaan umano ng gina­wang awtopsiya ng PAO.

Naunang inihayag ni Dr. Lo ang kakulangan ng “microscopic examination” sa mga organ na inawtopsiya ni Dr. Erwin Erfe para sa panig ng PAO.

Bigo umano ang “microscopic findings” ng PAO na tukuyin ang direktang relasyon nito sa bakuna.
Aniya, ang pamamaga, hemorrhage, edema at congestion ay hindi rin umanong tamang basta ikonekta sa isang sakit dahil posibleng maaaring dahilan din ito ng ibang karamdaman na makikita rin sa diagnosis ng mga biktima.

Idiniin ni Dr. Lo na kulang sa mga tamang elemento ng pag-awtopsiya ang ginawa ng PAO kaya kulang din ang resulta nito.

Sa nasabing presentasyon, nagkomento rin si Dr. Lo sa bawat findings ng PAO sa kada pasyenteng kanilang inawtopsiya. Sa bawat rekomendasyon ng PAO ay may nakitang kakulangan at pagkakamali si Dr. Lo katulad na lang ng sinasabing “viscerotropism” na noon pa man ay pinabubulaanan na din ng mga eksperto.

Idiniin pa ni Dr. Lo na malinaw na paglabag sa sinumpaan nilang mga doktor na maglabas ng mga mali at walang basehang findings na magdudulot ng maling pag-unawa sa isyu ng “public health.”