Hiniritan ng isang expert pathologist ang kongklusyon ng Public Attorney’s Office (PAO) patungkol sa mga batang namatay matapos maturukan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Sa pagdinig kahapon ng House Committee on Good Government and Public Accountability at House Committee on Health, inihayag ni Dr. Raymundo Lo, bihasa sa anatomic and clinical pathology na masyadong naging mabilis ang PAO sa pagbibigay ng kongklusyon na dahil sa Dengvaxia ay namatay ang mga bata.
Puwede aniyang dulot ng ibang karamdaman kaya binawian ng buhay ang mga bata.

“They jumped to conclusion that are not logical and do not have a basis on fact. Their conclusion is that these are Dengva­xia-related when the findings are clearly the result of ­another disease process as ­supported by ­established diagnosis and clinical course of the patient as well as the histologic findings,” sabi ni Lo.

Binanggit ni Lo na hindi umano suportado ng factual data ang findings ng PAO forensic team sa awtopsiya sa katawan ng mga bata na sinasabing nabakuna­han ng Dengvaxia.

“There are many gross findings that may have different causes and should not be assigned to one disease process because these changes like congestion, swelling, hemorrhage, ­edema are non-specific and cannot be assigned to just one disease based on seeing them grossly,” paliwanag ni Lo.

Kinuwestiyon naman ni PAO chief Atty. Persida Acosta ang awtoridad ni Lo na salungatin ang findings ng kanilang forensics team.

“May we ask the authority of the resource person to present controverting evidence against the evidence gathered by PAO to the 102 Dengvaxia victims who underwent forensic autopsy as well as histopathological exams of the blood samples and tissues by our two senior pathologists who are not present now? What is his authority to interpret the findings of the Public Attorney’s Office?” giit ni Acosta.

Nilinaw naman ni Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo, chairman ng Good government panel na ang tesitimonya ni Lo ay magsisilbing gabay lamang para sa magiging rekomendasyon ng komite.
“We will be accepting all the things you will be presenting,” ani Romualdo.