Sinuspinde ng Twitter ang account ng aktor na si Paolo Contis dahil sa diumano’y paglabag sa kanilang mga panuntunan.
Ang pagbura sa Twitter account na @paolo_contis ay matapos ang pagbanat ng aktor kay dating senador Antonio Trillanes IV na na-screenshot ng mga netizen.
“Four trillion ang budget mo, tapos hahanapan mo ako ng ambag? Batukan kaya kita,” tweet ni Trillanes noong Abril 16 na pinatutungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte.
Binahagi ito ni Contis at nilagyan niya ng comment na, “Isa pa tong bastos at walang silbi na to eh.”
Marami namang mga netizen ang umupak kay Paolo at minumura ito sa Twitter. Tinawag itong laos, DDS. May nag-comment pa na magaling lang daw itong umarte bilang manyakis sa Bubble Gang.
Ang the height ay nameless pala siya kay Leah Navarro: “Sorry, who is Paolo Contis? Serious question.” (IS)