Paolo, Mans ‘di aatras sa Senado

Hindi aatrasan ni Pre­sidential son Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases ‘Mans’ Carpio, mister ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang pagdinig at imbestigasyon ng Senado kaugnay sa katiwalian sa Bureau of Customs (BOC).

Matatandaan na inakusahan ni Senador Antonio Trillanes IV ang dalawa na kabilang sa Davao group.

Ayon naman kay Pre­sidential spokesperson Ernesto Abella, nakahanda ang dalawa na dumalo sa pagdinig sa Senado.

“Well, like the President has said, you know, he has given his bless… not the Pres… I’m sure the gentlemen are willing to… as they have said, are willing to face the Senate,” sabi ni Abella sa press briefing sa Malacañang kahapon.

Depende na umano sa dalawa kung sasagutin ng mga ito ang mga ipupukol na katanungan ni Trillanes at ng iba pang mga senador o kung sadyang tatahimik na lamang ang mga ito at i-invoke ang kanilang “right against self-incrimination”.

“That will be their prerogative. But they definitely… They’ve definitely said that they’re willing to face,” hirit ni Abella.