Paolo, Martin, Christian sanib-puwersa sa kabaklaan

Ni Archie Liao

Inanunsyo na ang tatlong finalists na nasa advanced stage of production sa ika-3 edisyon ng Pista ng Pelikulang Pilipino na gaganapin sa Setyembre 13-19.

Ang tatlong ito ay ang Cuddle Weather ni Rod Marmol ng Project 8 corner San Joaquin Projects, The Panti Sisters ni Perci Intalan ng The Ideafirst Company at LSS or Last Song Syndrome ni Jade Castro ng Globe Studios.

Tampok sa The Panti Sisters sina Paolo Ballesteros, Martin del Rosario at Christian Bables.

Nagsama sina Paolo at Christian sa pelikulang “Die Beautiful”. Si Martin naman ay sa pelikulang “Born Beautiful”. Pasabog sa sangbekihan na magsama-sama sa isang pelikula ang tatlo. Pagandahan, patalbugan at tiyak na nakakaaliw ang naturang pelikula. Abangan na lang kung sino ang pinakamagaling sa tatlong bida.

Bida naman sa LSS (Last Song Syndrome) ang magdyowang sina Khalil Ramos at Gabbi Garcia.

Wala pa namang inanunsyong cast ang odd romance na Cuddle Weather.

Ang limang natitirang fina­lists na kukumpleto sa magic 8 ay ihahayag sa Hunyo.

Ang Pista ng Pelikulang Pilipino ay proyekto ni FDCP Chair Liza Dino Seguerra na mas pina­igting ngayong taon sa okasyon ng selebrasyon ng ika-100 taon ng pelikulang Pinoy.