HANDANG sumailalim sa drug test si Paolo Contis anytime.

Uso ngayon sa mga taga-showbiz ang nagpapa-drug test kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

“Oo, ngayon na!” mabilis na sagot ni Paolo.

“Bakit hindi? If it will help the industry na ma­ging malinis ang mga aktor, bakit hindi?

“Kasi, hindi na maganda ang dating ng mga taga-industriya, ­celebrities. Mabawasan man lang ‘yung ganu’ng tingin ng mga tao.”

Naglabasan na ang drug test results ng iba’t ibang celebrities at parang lahat ng ito ay ne­gative.

Maging ‘yung ang tingin ng iba ay kaduda-duda na gumagamit ng droga ay negatibo rin ang resulta, kaya meron tuloy mga nagtataas ng kilay.

“Kayo ang nagsasabi niyan na hindi kayo naniniwala sa iba (na nag-test negative). Ang sa akin, sana hindi gano’n.

“Kung maraming nagtatanong at nagkukuwestiyon about it, sana walang gano’n. Kasi, para rin ‘yon sa artista o du’n sa tao.

“Kami, binabayaran kami para magtrabaho. Hindi para mag-drugs. ‘Di ba?” pakli ng 32-an­yos na Kapuso actor.

Nasasaktan ba siya na ang tingin na iba sa mga artista, karamihan sa mga ito ay gumagamit ng ipi­nagbabawal na gamot?

“Siyempre, minsan ikakahiya mo siya. Nakakahiya rin. Kasi, hindi naman lahat ganu’n, eh.

“Sa trabaho kasi namin, ‘yun nga, bayad kami para magtrabaho, hindi para magloko sa trabaho.”

Kahit HIV test ba ay nakahanda rin si Paolo?

“‘Yun, baka hindi. Doon takot? Ha! Ha! Ha! Ha!” tawa niya.

Kalbo ngayon si Pao dahil si BATO (PNP Chief Ronald dela Rosa)­ ang peg ng good cop character niya na si Daniel­ Acosta sa Alyas Robin Hood.

Sabi sa amin ni Pao, sa storycon pa lang ay sinabi na niya na magpapakalbo siya para mala-Bato ang dating niya.

Clean cut na police officer na mabait, matino at galit sa mga krimi­nal ang role niya, na hindi niya alam, ‘yung boss niya na Mayor ay niloloko lang pala siya.

Hindi pa nami-meet in person ni Paolo si Bato. Maggi-guest daw dapat ito sa Bubble Gang, kaya lang ay hindi natuloy.

Gusto ni Pao si Bato dahil bukod sa may amor ito sa mga tao ay parang very reachable ito.

Duterte supporter si Paolo, na best friend sa totoong buhay ng bida ng Alyas Robin Hood na si Dingdong Dantes.