Papaano mo gusto maalala?

Sa araw na ito ay inaalala natin ang ating mga mahal sa buhay na namaalam na. Pupunta tayo sa sementeryo, magtitirik ng kandila, maglalagay ng bulaklak, at magkukuwentuhan kasama ang ating mga kamag-anak.

Pero lahat tayo ay darating sa huling hantu­ngan. Papaano mo gustong alalahanin ka ng iyong mga iiwan?

‘Yan siguro ang magandang itanong natin sa ating sarili sa araw na ito. Dahil sa kadulu-duluhan ng buhay natin, wala nang magagawa ang anumang pera na pinagpaguran natin.

Wala nang magagawa ang mga titulo, posisyon at karangalan na tinamo natin.

Kung titingnan nga natin ang mga puntod sa sementeryo, dalawang petsa lamang ang nakasulat doon — ang petsa ng kapanganakan at petsa ng kamatayan.

Pare-pareho lang ang lahat ng nasa sementeryo. Bata man o matanda na nang mamatay, dalawang petsa din lang ang nakasulat.

Ang buhay ng bawat namatay ay nandun lang sa “dash” na naghihiwalay sa dalawang petsa na nakasulat sa ilalim ng pangalan niya.

Papaano mo gustong maalala ng ibang tao ang “dash” na ito na inilagi mo sa mundo?
Pag-isipan po natin.

* * * *

Email: junep.ocampo@gmail.com