Pumalag ang isang grupo ng mga magsasaka sa pagmamadali umano ng mga econo­mic manager na tapusin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Rice Tariffication Law kaya’t pinagdududahan ng mga ito kung may naipangako na ang ilang opisyal ng pamahalaan sa mga importer ng bigas.

Sa isang pahayag kahapon, sinabi ng Fede­ration of Free Farmers (FFF) na nais ng mga economic manager na mailabas ang IRR sa Marso 5, parehong araw kung kailan magiging epektibo ang batas.

Iginiit ng grupo na maaari naman itong maiurong sa Abril 19 para mapag-aralan ng mga magsasaka at iba pang stakeholder sa industriya ng bigas ang panukala at makapagbigay ng suhestiyon.

“Why are they rushing the completion of the IRR? Have commitments been made to some importers,” tanong ni FFF national manager Raul Montemayor.

Sabi ni Montemayor, maraming kailangang himayin sa Rice Tariffication Law, partikular na sa magiging papel ng National Food Authority (NFA) kung ito ay makakapagbenta pa ng muras bigas at makakabili ng palay sa mga magsasaka sa ilalim ng bagong batas.