Paputok victim lumobo pa sa 340

Umakyat pa sa 340 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok mula alas-6:00 nang umaga ng Enero 2 hanggang alas-5:59 nang madaling-araw ng Enero 3.

Sa inisyu na Fireworks-Related Injuries (FWRI) report ng Department of Health (DOH), nabatid na nakapagtala pa sila ng 52 bagong biktima kaya uma­bot sa nabanggit na bilang ang biktima mula nang magsimula ang kanilang monitoring noong Disyembre 21.

Gayunman, sinabi ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 5% kumpara sa naitalang kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Sa nasabing bilang, 339 ang nasugatan sa paputok habang isa naman ang nakalunok ng paputok.

Hindi rin nakapagtala nga­yon ng tinamaan ng ligaw na bala, at wala ring naiulat na nasawi dahil sa pagpapaputok.

Nabatid na pinakamarami pa ring nabiktima ng paputok sa National Capital Region (168 kaso), Region 6 (36 kaso); Region 1 (29) at Calabarzon (24 kaso).

Habang sa NCR naman, karamihan sa mga kaso ay naitala sa Maynila, Quezon City, Caloocan, Las Piñas at Mandaluyong.

Sa Enero 6, ihihinto na ng DOH ang kanilang monitoring. (Juliet de Loza-Cudia)