Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. — Blackwater vs. Mahindra
6:45 p.m. — Ginebra vs. Rain or Shine
Bago ang salpukan ng Ginebra at Rain or Shine sa Governors Cup mamaya sa Smart Araneta Coliseum, bibigyan muna ng PBA ng tribute ang alamat na si coach Virgilio ‘Baby’ Dalupan.
Matagal nang hindi nakakakita at binawian ng buhay nitong Miyerkules si coach Baby, 92, dahil sa pulmonya. Siya ang kinikilalang Maestro sa Philippine basketball, maraming legends ang dumaan sa kanyang mga kamay. Si coach Baby din ang naka-impluwensiya o inidolo ng karamihang coaches ng kasalukuyang henerasyon.
Overall, nagbulsa si coach Baby ng 52 titles mula sa international competitions, sa UAAP, NCAA, MICAA at PBA. Siya ang unang Grand Slam coach ng pro league nang ihatid sa tatlong kampeonato sa iisang season ang Crispa Redmanizers noong 1976 – laban sa karibal na Toyota.
“I’m honored and excited that the Baby Dalupan tribute will be before our game, and I would love to dedicate a win for him,” pahayag kahapon ni Gin Kings coach Tim Cone.
Matagal na panahon na naging sukatan ang 15 PBA titles ni coach Baby, hanggang sungkitin ni Cone ang pang-16 niya at kinumpleto rin ang pangalawang career Grand Slam bilang coach noong 2014 sa San Mig Coffee Mixers (Purefoods).
Aminado lang si Cone na dadaan sila sa butas ng karayom para masungkit ang panalo dahil katapat nila ang Elasto Painters ni Yeng Guiao.
Sa Petron Blaze Saturday Special ng season-ending conference sa Panabo City naman kagabi, nagsikip ang depensa ng Alaska sa second quarter bago solidong tinapos ang laro para ibaon ang Star 85-69.
“Big story was our second quarter defense. We gave up seven points,” suma ni Aces coach Alex Compton. “We talked about a lot leading to this game but the biggest thing, 90% of what we talked about was having a defensive mindset and getting back to defending.”
Kumalas ang Alaska sa three-game skid sa likod ng 27 points ni LedonTae West at 10 points, 10 rebounds ni Calvin Abueva. Angat sa 2-4 ang Alaska, baon sa 1-5 ang Hotshots.