Para mabura sa drug watchlist, P18K kinotong ng barangay officer

Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of ­Investigation (NBI), ang isang opisyal ng Barangay Anti-Drugs Abuse Council (BADAC)

ng Valenzuela City matapos mangotong ng P18,000 sa isang residente kapalit ng pabor na matatanggal sa drug watchlist.

Sinampahan ng NBI-Special Task Force ng kasong Direct Bribery ang suspek na si Saturnino Santiago y Galgana, ­coordinator ng Valenzuela BADAC.

Nabatid na si Santiago ang nangangasiwa sa rehabilitation process at may awtoridad na magdeklarang naka-comply na sa Community Wellness Program ang nasa barangay watchlist na mga sumuko sa Tokhang at sumailalim sa rehabilitation.

Nobyembre 2016 nang sumuko sa Operation Tokhang ng Valenzuela PNP ang complainant na hindi na pinangalanan at na-iturn over sa BADAC pero nabigong makatapos ng programa sa rehab dahil inuna niya umano ang pagtatrabaho.

Nitong Setyembre 17, tinawagan ang complainant ng ­suspek na nagsabing hindi ulit siya makaka-graduate sa rehab program dahil sa mga absences.

Nalaman na pinuntahan pa ng suspek ang complainant at sinabihang mas mabuting makipag-usap umano sa mga operatiba upang matanggal na siya sa watchlist at magbigay ng P18,000 hanggang Setyembre 28.

Lingid sa kaalaman ng suspek dumiretso sa NBI ang ­complainant kaya ikinasa ang entrapment operation.

Inaresto ang suspek sa aktong tinatanggap ang brown ­envelope na naglalaman ng nasabing halaga mula sa ­complainant sa pinagkasunduan nilang lugar sa Valenzuela City. (Juliet de Loza-Cudia/Lorraine Gamo)