Parada ng mga pasaway

Naging mainit sa social media ang viral video na parada ng mga pasaway sa central island ng EDSA matapos mahuli sa curfew sa Caloocan City kaugnay sa pinaiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sari-saring reaksiyon sa mga netizen ang ginawang pagparada sa mga pasaway na mamamayan, pero halos walamg nakisimpatiya sa ginawa ng mga ito.

Kung nakatutunaw lang na parang kandila ang banat ng mga netizen sa mga nahuli sa curfew ay malamang nanaisin ng mga ito na maglaho na lamang sa mundo.

Paulit-ulit ang panawagan ng gobyerno at mga opisyal na gumagawa ng mga paraan para mabawasan ang kontaminasyon sa coronavirus disease 2019, na manatili ang mga tao sa kanilang mga bahay pero tila yata hindi nakakaintindi o sadyang matigas ang ulo ng mga ito.

Ano kayang utak mayroon itong mga pasaway na ito, malamang hindi utak-biya dahil kahit papaano may utak pa ang biya, o baka naman utak-tungaw dahil sa sobrang liit ay hindi na gumagana ng maayos.

Hindi biro ang hatid na bagsik ng COVID-19 kaya dapat seryosohin ang mga abiso at paalala ng gobyerno.

Kaya nagpatupad ng lockdown ang gobyerno para mabawasan o mapigilan ang mas malala pang kontaminasyon sa mga Pilipino, pero hindi ito siniseryoso ng mga Pilipino.

Kung mapapansin, sa Metro Manila lamang maraming matitigas ang ulo dahil wala namang balitang nahuli sa curfew sa mga probinsiya.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay napansin ang katigasan ng ulo ng ilang taga-Metro Manila kaya pinagsabihan ang mga pasaway na magkaroon kahit man lang konting disiplina sa katawan.

Bukod sa pagparada sa EDSA, mayroong mga curfew violator na pinag-squat o kaya ay duck walk habang ang iba ay ibinabad sa basketball court magdamag bilang parusa dahil sa katigasan ng kanilang ulo.

Huwag ho natin silang pamarisan, bagkus ay sumunod sa pakiusap ng gobyerno para matapos na po ang kalbaryo na kinakaharap natin sa COVID-19. Mahaba na po ang sakripisyong dinaranas natin at hindi matatapos ito kung may mga Pilipinong matitigas ang ulo.