BASE sa mga napagtanu­ngan namin at reaksiyon ng mga taong dumagsa­ sa parada nu’ng naka­raang Sabado, December 23, ramdam na ramdam naming Ang Panday ni Coco Martin ang ma­ngunguna sa takilya.

Kahapon nagbukas sa mga sinehan ang walong pelikulang kalahok, pero hindi pa kami nakapag-monitor kung aling pelikula ang humahataw nang husto sa takilya.

Bawal kasing maglabas ang mga producers ng official figures ng kinita sa first day of showing.

May penalty silang P200K, at posibleng hindi sila pasasalihin sa susunod na MMFF.

Anyway, simulan muna natin ang MMFF na tsikahan sa Parade of Stars na ginanap sa Muntinlupa nu’ng nakaraang Sabado.

Napatunayan ng lungsod ng Muntinlupa na kaya nilang gawing maa­yos at organized ang mala­king paradang iyun ng mga stars na kabilang sa mga pelikulang kalahok sa MMFF 2017.

Dumagsa ang napakaraming tao na gustong saksihan ang masaya at makulay na parada.

Kahit nag-uulan nu’ng una, hindi natinag ang mga tao, nagpayong lang sila at nagtiyagang naghintay sa pagsisimula ng parada.

Nagkaroon muna ng programa sa Muntinlupa Sports Center, na kung saan doon nagsi­mula ang parada.

Doon binuksan ang MMFF 2017 na pina­ngunahan ni Mayor Jaime Fresnedi at MMDA Chairman Danilo Lim, chairman ng MMFF na si Tim Orbos, at Boots Anson-Rodrigo ng Film Academy of the Philippines­.

Ang karosa ng Ang Panday nga ni Coco ang pinagkaguluhan nang husto, at si Coco talaga ang gustung-gustong makita ng karamihan.

Kahit nga ang maybahay ni Mayor Fresnedi at ang anak nila ay nakipagsiksikan pa na makapasok sa kinaroroonan ni Coco, pero hindi sila pinapasok ng napakahigpit na security ng ABS-CBN 2.

Pinagkaguluhan din ang karosa ng Meant To Beh, at si Vic Sotto pa rin talaga ang gustung-gusto ng lahat.

Nama­taan din naman doon sa kanilang karosa ang Po­lish girlfriend ni Daniel Matsunaga na enjoy na enjoy sa pagbabato ng mga kendi at souvenir items ng Meant To Beh.

Winner din ang team ng Gandarrapido: The Revengers Squad nina Vice Ganda, Pia Wurtzbach at Daniel Padilla na pinagkaguluhan at tinilian din nang husto.

Ang ganda ng float ng Gandarrapido, na napaka-colorful at bagay sa tema ng pelikula.

Ang pinakagusto naming float doon ay ang sa pelikulang Deadma Walking nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman.

Marami naman ang natsakahan sa float ng Ang Panday na binagsakan ng napakaraming bulaklak.

Parang hindi naman daw nababagay sa pelikula niya ang mabulaklaking float. Pero ang alam namin, kuha iyun sa kaharian ng mga engkanto at diwata na bahagi rin ng pelikula.

Nagpasalamat ang Muntinlupa Mayor Fresnedi na sa kanila raw ipinagkatiwala ng MMFF at MMDA ang hosting ng ngayong taong­ filmfest.

Tamang-tama raw ito sa kanilang 100 centennial celebration. Itong parada nga ang isa sa highlights ng Centennial celebration ng lungsod ng Muntinlupa.

Special prods ng MMFF entries
kaabang-abang sa Gabi ng Parangal

BUKAS ng gabi na ang Gabi ng Parangal ng 43rd MMFF 2017 na gaganapin sa Kia Theater.

May laban si Joanna Ampil sa Best Actress category na mahigpit daw niyang makakalaban sina Dawn Zulueta ng Meant To Beh at Jennylyn Mercado ng All of You.

Sa ilang nakapanood ng halos lahat na mga pelikulang kalahok, hinuhulaan na ring maglalaban sa Best Actor category sina Derek Ramsay, Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman.

Ang isa pang aaba­ngan sa awards night bukas ay ang special production number na gagawin ng bawat entry.

Ang pelikulang Haunted Forest ay may dance number ang main cast na sina Jane Oineza, Jameson Blake, Maris Racal, at Jon Lucas, kakantahin naman ni Nar Cabico ang awi­ting Natapos Tayo, ang theme song ng All of You. Kakanta naman si Jericho Rosales kasama ang bandang Hale ang theme song ng Siargao na Alon.

Sina Wacky Kiray, MC at Lassy ang magpi-present para sa Gandarrapido: The Revenger­ Squad, at si Awra naman ang sasayaw para sa Ang Panday.

Kakantahin naman nina Celeste Legaspi, Rachel Alejandro at Joanna Ampil ang isa sa mga awitin sa Ang La­rawan, ang Kaysarap ng Buhay Nung Araw at si Baeby Baste naman para sa Meant To Beh ay may song and dance number kasama ang back-up dancers niyang Bastelicious.