Dapat nang ilantad ng Bulacan PNP ang pangalan ng mga pulis na isinasangkot sa illegal drugs na ang listahan ay nadiskubre sa bangkay ng magkasintahang kapwa tinaniman ng bala sa ulo ng mga hindi kilalang salarin bago iniwan sa loob ng sports utility vehicle (SUV) sa Quirino Highway, Barangay San Manuel, San Jose del Monte City, Bulacan kamakailan.
Hanggang kahapon ay hindi pa din pinapangalanan ng San Jose del Monte City PNP ang walong pulis na nakalista na narekober sa itim na RAV4 na pinag-iwanan din sa bangkay ni Edgardo Bernardo Jr., 42, may-asawa, negosyante, at kanyang kasintahang si Midwae Ann del Barrio, 20, kapwa residente ng Tandang Sora, Quezon City.
Kaagad namang pumalag si P/Chief Inspector Moner Orang, hepe ng North Extension ng Caloocan City PNP nang malamang kabilang ang kanyang pangalan sa listahan at mahigpit nitong itinanggi na sangkot siya sa droga.
Bunga nito, dapat nang pangalanan ang mga nakalistang pulis na idinadawit sa droga sa natagpuang SUV sa Bulacan upang maipagtanggol nila ang kanilang sarili dahil sa posibilidad na idinadawit lamang ng mga salarin na miyembro ng sindikato sa droga ang pangalan ng mga opisyal para madiin ang mga ito sa droga at mailigaw ang pagsisiyasat sa nasabing kaso.