Parak niratrat sa harap ng ‘asset’

Gun

Isang pulis ang patay nang pagbabarilin sa harap ng “asset” nito ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Lungsod ng Valenzuela kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang biktimang si PO3 Noel Cabanglan, 36, na naka-assigned sa Valenzuela City PoliceDrug Enforcement Unit.

Sa ulat ni deputy chief for operation Supt. Rey Medina ay ganap na alas-5:30 pasado ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng A. Bernardino Street at Que Grade Street, Barangay Ugong ng nasabing lungsod.

Kakarating lang umano sakay ng motorsiklo ang biktima upang kausapin ang nakilalang sa alyas ‘Angelica Nguso’ na isang asset upang kumuha ng impormasyon hinggil sa pinaghihinalaang drug personalities sa lugar.

Kasama umano noon ng babaeng asset ang da­lawang lalaki at habang nakikipag-usap sa biktima ay biglang sumulpot ang armadong lalaki at pinagbabaril ang biktima na agaran nitong ikinasawi.

Pagkatapos, agad nagtakbuhan ang gunman kasama ang dalawang la­laki at asset ng biktima.