Parañaque City wala nang utang

Tonite-Parañaque City

Makalipas ang anim na taon, nabayaran na rin ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Parañaque ang P1 bilyong inu­tang ng nakaraang administrasyon sa Landbank of the Philippines bilang pondo sa pagpapatayo sa Parañaque City Hall Annex na sini­mulan noon pang 2013.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Mayor Edwin Olivarez makaraang tanggapin sa Landbank ang certificate of confirmation mula kay Lani Purnuevo, ang assistant vice president ng naturang bangko na nagpapatunay na binayaran na nila ang P999,999.743.71 noon pang Enero 16 ng kasalukuyang taon.

Ipinagmalaki rin ni Mayor Olivarez sa kanyang pagsasalita sa flag raising ceremony noong Lunes na ang kanyang administrasyon na ang bumalikat sa proyektong iniwang naka-tengga sa siyam na taong panunungkulan ni dating Mayor Florencio Bernabe, pati na rin ang pagpapatayo ng dalawa pang pampublikong paaralan.

Umutang si dating Mayor Bernabe ng P2 bil­yon sa Landbank para pondohan ang ibang mga proyekto ng lokal na pamahalaan kabilang ang city hall annex su­balit hindi na nabayaran ang kalahati nang matalo noong 2013 election ang kanyang anak na Florencio III ni ­Mayor Olivarez.

Iniulat din ng alkalde sa mga residente ng Parañaque ang resulta ng ginawang pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kung saan luma­labas na baon sa utang ang lokal na pamahalaan na hindi nabayaran mula taong 2011 at umabot pa sa punto na inilipat nila ang salaping nakalaan trust fund bilang general fund na labag sa ilalim ng umiiral na batas. ­