paranaque-olivarez
Agad nagtungo sina Parañaque City Mayor­ Edwin Olivarez at city administrator Ding Soriano sa city jail kung saan 10 bilanggo ang nasawi at pagkasugat ng mismong jail warden matapos ng isang pagsabog at barilan. Ipinag-utos ni Mayor Olivarez kay Parañaque police chief Senior Supt. Jose Carumba ang masusing imbestigasyon kung paano nakapasok ang mga baril at iba’t ibang patalim sa loob ng kulu­ngan matapos makarekober ng isang Uzi submachine gun ang mga awtoridad sa mga high-profile inmates tulad ng dalawang Chinese national na nasawi sa insidente.

Bumuo ng isang team ang Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP) para imbestiga­han ang nangyaring pagsabog sa Parañaque City Jail kung saan 10 preso ang nasawi at isa ang malubhang nasugatan kamakalawa ng gabi.

Ayon kay BJMP spokesperson Senior Inspector Xavier Solda, isang motibo ng pagsa­bog ang kanilang tinitingnan at ito’y ang tangkang pagtakas dahil pawang mga high-profile inmates ang sangkot sa insidente.

Aniya, walo sa mga preso ang nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa illegal drugs habang dalawa sa kasong robbery.

Kinilala ni Solda ang mga nasawing preso na sina Jacky Huang at Yonhan Cai na parehong Chinese national, Waren Manampen, Ronald Domdom, Danilo Pineda, Joseph Villasor, Oliver Sarreal, Jeremy Flores, Rodel Domdom, at Jonathan Ilas.

Bukod sa pagsabog na mula umano sa isang granada, aalamin din ng investigating team kung bakit may nakuhang mga baril matapos ang insidente.

Sinasabing bago ang insidente ay humingi ng diyalogo ang 10 preso kay Parañaque City jail warden Supt. Gerald Bantag upang subukang kausapin matapos malaman na ili­lipat sila ng kulungan.

Subalit sinabi ni Solda na mabibigyan lang ito ng linaw sa pamamagitan ni Bantag na nasa malubang kalagayan ngayon.