Magtatayo ng palengke ang Pamahalaang Lungsod ng Parañaque upang magkaroon ng permanenteng puwesto ang mga naialis mula sa mga bangketa sa isinagawang clearing operation nitong linggo.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez nasa 2,000 illegal vendors ang naialis na sa mga bangketa sa nasabing lungsod.

Aniya, aprubado na ng Metro Manila Council ang plano para sa “people’s market” na itatayo sa “cement slab” na ipapatong sa ibabaw ng kanal na may sukat na 60×300 metro sa Roxas Boulevard.

Sinabi pa ni Olivarez, maglalagay rin ng loa­ding and unloading zone, overhead pedestrian crossing at parking lot sa palengke at target ng pamahalaan ngayong taon.

Habang wala pa ang proyekto, sinabi ni Olivarez na pinakiusapan na niya ang mga commercial establishment sa kanyang lungsod na maglaan ng espasyo para sa mga street vendor.

Nakahanap na aniya ng 1,000 puwesto ang pamahalaan at target nilang makumpleto ito nga­yong linggo.

Mahigpit ding ibinilin ng alkalde sa mga opisyal ng barangay at mga kapulisan na pigilan ang pagbabalik ng illegal vendors sa area ng Baclaran. (Armida Rico)