Parañaque Mayor Olivarez umalma sa BI: Mga illegal Chinese damputin

Humingi na ng ayuda si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga Chinese national na naninirahan sa kanilang lungsod na labis na ikinababahala ng mga lehitimo nilang mamamayan.

Sa liham na ipinadala ni Mayor Oli­varez kay BI Commissioner Jaime Mo­rente, binanggit ng alkalde ang ipinarating na impormasyon sa kanya ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez kaugnay sa napakaraming Chinese national sa kanilang lungsod na karamihan ay mga undocumented o walang kaukulang dokumento bilang turista o manggagawa.

Ayon sa alkalde, lubhang nakakabahala ang naturang impormasyon lalo na sa mga residente na nagpapaabot ng kanilang hinaing, partikular ang mga naninirahan sa Multinational Village dahil sa napakaraming isyung bumabalot ngayon sa mga Chinese national.

Bukod sa napaulat hinggil sa pina­ngangambahang sakit na nobel coronavirus na nagmula sa China at kumitil na sa buhay ng mahigit 40 katao, kabilang sa reklamo ng mga taga-Multinational Village ang iligal na pagtatayo ng gusali bilang tirahan ng mga dayuhang Chinese at ang napapadalas na pagkakasangkot nila sa gulo na sumisira sa da­ting tahimik nilang pamumuhay.

Kumpiyansa si Mayor Olivarez na kaagad na aaksyon ang mga tauhan ng Immigration sa utos na rin ni Chairman Morente, upang matukoy at madakip ang mga undocumented Chinese national sa kanilang lungsod na karamihan ay mga POGO worker na nangu­ngupahan sa itinatayong mga gusali sa loob ng Multinational Village.

Nauna ng inireklamo ng home ow­ners association ang walang patumanggang pagtatayo ng gusali na umaabot na sa bilang sa 40 sa kanilang subdivision.

Sa panayam naman ng Tonite kay Parañaque City Administrator Fernando ‘Ding’ Soriano, sinabi niya na mahigit sa 14 na katao na ang kanilang sinasampahan ng kaukulang kaso bunga ng pagtatayo ng gusali ng walang kaukulang building permit bukod sa nilabag din nila ang zoning clasiffication na ipi­natutupad ng pamahalaan.

Ang zoning classification ang magtatakda sa wastong lugar at tamang taas ng gusali na itatayo sa isang lokasyon gaya ng Multinational Village na malapit sa pambansang paliparan.

Aniya, malinaw na paglabag ito sa umiiral na panuntunan sa ilalim ng National Building Code kaya’t may karapatan ang lokal na pamahalaan na iutos ang pagpapahinto sa alinmang istrakturang patuloy na itinatayo sa lupa ng lungsod ng Paranaque.

Mahihirapan na rin aniyang makakuha ng kaukulang building permit ang mga taong kinasuhan ng lokal na pamahalaan lalo na’t hindi nila naisumite sa Building Official at sa City Engineering Office ang structural plan na isa sa mga alituntunin para sa pag-a-apply ng building permit.

Nauna nang inireklamo ng home owners association sa Multinationa­l Villange ang nagmistulang kabute na pagsulpot ng itinatayong gusali na umaabot na sa 40 na labis na nagdudulot sa kanila ng pangamba dahil magsisilbi itong tirahan ng mga Chinese POGO workers

Gayunman, nilinaw naman ng city administrator na wala sa kapangyarihan ng lokal na pamahalaan sa anumang aktibidad na isasagawa sa pribadong lupa maliban na lamang kung lalabag ito sa ordinansa lalu na ang pagtatayo ng gusali ng walang kaukulang building permit. (Armida Rico)