Parañaque panic sa coronavirus

Ligalig ngayon ang mga residente ng isang exclusive subdivision sa Parañaque City kung saan maraming nakatirang Chinese national na nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) dahil sa pangambang kumalat sa kanilang lugar ang kinatatakutang bagong strain ng coronavirus.

Dahil rito, nanawagan ang mga ­residente ng Multinational Village sa pamahalaang ­lokal at nasyunal na tingnan ang posibilidad na ­kumalat ang coronavirus galing Wuhan, ­China sa mga subdivision at condominium sa bansa kung saan maraming Chinese worker ang naninirahan.

Ayon kay Mel Marquez, isang engineer at tagapagsalita ng mga homeowner ng ­Multinational Village, sinakop na ng mga ­Chinese na nagtatrabaho sa mga POGO ang mga bago pero iligal na commercial building at mga paupahang bahay sa kanilang lugar.

Maaari aniyang ma-expose sa ­nakamamatay na coronavirus strain galing Wuhan ang mga lehitimong residente ng ­Multinational Village dahil sa presensiya ng mga Chinese worker.

“This new strain coronavirus is serious and with quick turnovers of thousands of POGO workers in the village, the genuine residents are exposing themselves to possible ­transmission, where they get to mingle and have direct ­contacts with village residents,” pahayag pa ni Marquez.

Isang residential area ang Multinational ­Village na ibig sabihin aniya, maaaring lang tumira ang isa o dalawang pamilya sa isang bahay.

Dapat maglatag aniya ng mga kaukulang hakbang ang pamahalaang lokal ng Parañaque sa gitna ng napakaraming Chinese worker na nangungupahan sa mga condo at residential area sa lungsod.

Sabi pa ni Marquez, labag na sa batas ang pananatili ng mga Chinese sa mga condo at subdivision dahil mahigit 50 ang tumitira sa isang bahay o unit kaya malaki ang ­posibilidad na mahawa sa nakamamatay na coronavirus ang mga lehitimong residente.

Isa ang Multinational Village sa paboritong tirahan ng mga Chinese POGO worker dahil malapit lang ito sa Ninoy Aquino ­International Airport at sa entertainment city, mga ­restaurant at grocery.