Parañaque, Pasay, San Juan umalerto sa COVID-19

Dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), tiniyak ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na wala pang suspected cases ng virus sa kanyang nasasakupan. Gayunman, kumikilos na ang kanyang pamahalaan laban sa posibilidad na maapektuhan ang lungsod tulad ng ilang siyudad sa Metro Manila.

Kahapon ay inatasan ni Mayor Olivarez ang integrated resort owners at mana­gers ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na mag-report sa Parañaque Health Office sa loob ng linggong ito bilang hakbang laban sa COVID-19.

Nagbanta rin ang alkalde na kakasuhan niya ang mga may-ari ng condomi­niums at building na tumatanggap ng libong Chinese POGO workers, dahil ­paglabag umano ito sa subdivision rules.

Nasa lungsod ng Parañaque ang 19 na POGO offices na tinatayang nasa 6,000 hanggang 7,000 ang Chinese POGO workers, na matatagpuan sa Quirino Avenue, Entertainment City at Coastal Road sa Macapagal Blvd.

Samantala, personal na tinungo kahapon ni Pasay City Mayor Imelda ‘Emi’ Rubiano-Calixto ang ilang paaralan sa lungsod upang mag-inspeksyon at pag-disinfect laban sa kumakalat na COVID-19.

Pinangunahan ni Mayor Rubiano ang pagdi-disinfect sa City University of ­Pasay at ilan pang public school sa lungsod.

Pinulong din kahapon ni Mayor Emi ang lahat ng school superintendent at public school principals na isinagawa sa Padre Zamora Elementary School at ­lahat ay makakatanggap ng mga sprayer at organic disinfectant.

Sa San Juan, inutos ni Mayor Francis Zamora na linisin at i-disinfect ang lahat ng gusali at mga paaralan sa kalunsuran habang kanselado ang klase. (Armida Rico)