Parang hindi emergency

Ang buong akala natin ay suportado na ang panukalang pagbibigay­ ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para maresolba ang palala na nang pala­lang problema sa trapiko.

Pero ano itong plano ng Senado na hindi raw mamadaliin ang pag-usad ng emergency power bill?

Nais daw kasi ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate committee on public services na mabusi­sing mabuti ang panukala para matiyak na ito ay epek­tibong tutugon sa paglutas sa lumalalang trapiko sa Metro Manila.

Kailangan din daw ay malinaw ang sakop at limitasyon ng emergency powers na ipagkakaloob sa Pangulo.

Mahalaga ring malaman, ayon pa sa komite, kung para saan at paano gagamitin ang emergency powers upang sa ga­yon ay epektibong matugunan ang krisis sa trapik na siyang panguna­hing puntirya ng pagbibigay ng kapangyarihan.

Kuha natin ang punto ng Senado dahil nga sa hindi magandang nangyari noong panahong pagkalooban ng emergency powers si dating Pa­ngulong Fidel V. Ramos sa problema ng bansa ay nagresulta ito sa pagpa­san ng taumbayan sa mga kuwestiyonableng probisyon tulad ng “take or pay provision”.

Pero dapat ding makita ng Senado ang mahigpit na panganga­ilangan sa lalong madaling panahon sa emergency powers dahil iba na ang sitwasyon nga­yon. Masyado nang malala ang problema sa daloy ng trapiko sapagkat wala na itong pinipiling oras o araw.

Kaya para sa akin, kailangang bigyan ng konsiderasyon ng Senado­ ang usapin. Ngayon at hindi sa mga susunod pang mga buwan. Kailangan ng taumbayan na masolus­yunan ang problema sa trapiko kaya dapat ay huwag nang patagalin pa ang pag-apruba sapagkat alam naman na­ting kakayanin kung gusto talaga itong gawin.

Aanhin natin ang isang solusyon sa trapiko kung hindi naman ito agad-agad na maipatutupad.

Mawawalan ng saysay ang emergency ­powers na iyan kung magiging usad-pagong ang pagtalakay o kung sa Dis­yembre pa ito ibibigay sa Pangulo kagaya ng pinaplano ngayon ng Senado.

Kumbaga sayang ang magandang hanga­rin ng pagbibigay ng emergency powers para lutasin ang problema sa trapiko kung hindi ito agad na babasbasan.