Kinilala ng FEU ang kauna-unahang Woman Grandmaster ng bansa na si Janelle Mae Frayna sa emosyonal pero simpleng testimonial dinner sa FEU Institute of Technology Huwebes ng gabi.

Nanguna sa pagkilala ang mag-utol na Antonio at Aurelio III Montinola, FEU chairman at board of trustee, kasama si FEU Athletic Director Mark Molina na nag-abot ng plake at P100,000 na insentibong tseke sa 20-an­yos at tubong Legazpi City, Albay na si Frayna.

Tamaraw ang first woman WGM ng bansa na si Frayna, FEU cum laude candidate sa kursong Psychology at nagbabalak kumuha ng Law.

“Wala na po talaga akong masabi kundi ang pasalamatan na lamang ang lahat ng aming mga opisyales sa FEU, NCFP, sa mga coaches, mga teammates ko at pati na ang buong pamilya ko na tumulong sa akin upang makamit ko ang pagiging WGM,” wika ni Frayna.

Mula sa Kongreso, tumanggap si Frayna ng P75,000 na isang buwang sahod ni Albay Cong. Joey Salceda. Binigyan din siya ng PSC ng P50,000.

Gagamitin ni Frayna ang mga insentibo sa pagpapagamot ng inang si Engr. Corazon Sonia na may breast cancer.