Ako ay naging manager ng isang koponan sa PBA mula 1989 hanggang 1994, at sa pagpunta ko sa mga ensayo o laro ng mga player, marami-rami din akong naobserbahan na mga pangyayari.
Una dito ay si Benjie Paras, ang rookie MVP ng PBA, na isa nang komedyante at artista sa sine at telebisyon.
Ang ugali nito kapag may ensayo, hinihila niya pababa ang mga short ng kanyang mga kasamahan sa team.
‘Pag nagtagumpay siya sa kanyang kalokohan na paghihila ng shorts, tawanan ang ibang mga teammate.
Lagi niya ginagawa ito. Isang araw, may dumaan sa likod niya na naka-shorts din. Hihilahin sana niya ang shorts nitong taong ito pero napansin niya na si Coach Rino Salazar pala yung dumaan at bigla nitong itinago ang kanyang mga kamay sa likod ng ulo niya.
Tawa nang tawa ang mga kasamahan niya na mga player.
Napakadami pang iba-ibang istorya na aking nasaksihan. May player ako dati si Jay Ramirez, ang mabuting kapatid ni PSC chairman Butch Ramirez. Palagi, ‘pag lumalapit siya sa akin, bigla niyang sinusuntok ang kanyang ulo, ang lakas ng tunog, parang kahon na walang laman.
Tinanong ko kung masakit at kung bakit niya lagi sinusuntok ang kanyang ulo. Ang sagot niya, gusto niya ang larong pisikalan. Na “high” daw siya kung pisikalan ang laro lalo na ‘pag may dugo.
May isang player din ako dati na hinamon ng suntukan ni Sonny Jaworski. Sabi daw ni The Big J, “o mamaya pagkatapos ng laro, magkita tayo sa labas ng stadium at magsuntukan tayo, isama mo yung tatay mo ha.”
Ang sagot ng player ko ay, “sige, magkita tayo sa labas ng stadium, isama mo ang buong barangay mo.” Hindi yata natuloy ang suntukan kasi walang sumipot.
Nag-coach din ako ng koponan noong nagbitiw bilang coach si Joe Lipa. Nagkaron kami ng laro kalaban ang Ginebra.
Sobrang pisikal ang laro. Lumapit sa akin itong bad boy na manlalaro ko at habang nagko-coach ako, kalaban ang Ginebra, bigla bumulong sa aking tenga, at sinabi niya… “boss, sino ang gusto mong upakan ko? Sabihin mo lang.”
Pinayuhan ko na lang ‘wag na manakit at dumepensa na lang nang maayos.
Ang dami pang mga kwento. Sa ibang araw na lang siguro.